Friday, May 19, 2006

'Pitong bagay sa buhay na natutunan ko sa U.P'

by PROF. RYAN CAYABYAB
(Commencement speech given on April 24 before the Class of 2005)


Maraming salamat po, magandang hapon po sa inyong lahat. UP President Emerlinda Roman, former presidents Jose Abueva and Noel Soriano, UP Diliman Chancellor Dr. Sergio Cao, the Board of Regents, U.P. faculty and administrative staff, co-professors from the College of Music, classmates from UP High 1970, fellow alumni, graduates, and friends:

Malugod kong binabati kayong mga nagsisipagtapos ngayong taong 2005. Isang karangalan ang pagtayo ko dito upang maghatid ng isang talumpati para sa inyo. Huwag kayong mag-alala, maiksi lamang ang aking sasabihin.

Kinikilala kong ako ay isang mamamayan ng UP. Unang nasilayan ng aking mga mata ang sinag ng araw sa Area 1, UP Campus, sa may likuran ng Infirmary,kung saan din nanirahan sina Wilfrido Ma. Guerrero, si NVM Gonzales, si Jovita Fuentes, si Jose Maceda, at ang mga Lansang, mga Manalang, mga Daza,Cailao, Lesaca, Estrada at marami pang ibang mga pioneering faculty members ng UP Diliman.

Ang nanay ko ay nagturo sa UP College of Music. Apat kaming magkakapatid na lumaki sa sariwang hangin ng Area 1, nanghuhuli ng tutubi at kuliglig sa araw, kulisap naman sa gabi. Diyes ang Coca-cola, singko ang Cosmos.

Minsan sa isa o makalawang linggo, may dumaraang truck ng DDT (Dichlorodiphenyltrichloroethane) na nag-bubuga ng makapal na usok pampatay ng lamok na nagdudulot ng malaria. Lahat ng bata sa Area 1, at sa buong campus ay sinasalubong itong truck, at kung kaya lang naming magsiawit ng Haleluya noon ay ginawa na namin dahil para kami lahat nasa ulap, nagtatakbuhan, hinahabol at nilalanghap ang maputi at mabangong usok ng DDT truck. Napakasaya namin. Walang nagsabi sa amin na hindi lamang lamok ang pinapatay ng DDT. Ngayong malalaki na kami at nagbibiruan ang aming egroup na Area 1, napagkasunduan namin na dahil sa DDT na yan, bawat isa sa amin ay may bahid ng kabaliwan, depende sa dami ng nalanghap na DDT.

Marami kaming laro noon sa Area 1 patintero, tumbang preso, siyato, lastiko, gagamba, luksong tinik, step-no, habulan, taguan, teks at holen, na sa palagay ko ay sasabihin ninyong napakalow-tech kumpara sa mga laro ninyo nung kayo'y mga bata. Meron kaming mga sikretong tawagan, sipol at huni. Ang dami kong nais ikuwento tungkol sa aking pagkabata ngunit mauubos ang ating oras.

Nag-aral ako sa UP Elementary School at sa UP High School. Matagal na panahon ding diyes lamang ang bayad sa IKOT. Saan pa ba ako magkokolehiyo kundi sa UP rin. Una akong pumasok bilang accounting major sa UP College of Business Administration. Sa kabutihang palad, nauntog ako at na-realize ko na ako ay hindi pala maalam sa pagbibilang ng pera.

Tinanggap ako at lumipat sa UP College of Music bilang isang piano major.

Nauntog na naman ako at natanto ko na ako ay nagpapanggap lamang na isang Cecil Licad. Mabuti naman at tinanggap ako ng Department of Composition and Theory. Sa maniwala kayo't hindi, tinapos ko itong kurso, Bachelor of Music Major in Composition suma suma-sampong taon bago ko nakuha ang aking diploma. Aba! Naniwala pa sila sa akin at kinuha akong guro. Dito ko nakilala ang isa kong estudiyanteng napakaganda na una kong naging barkada sa kainan at kantahan, nauwi rin sa simbahan. Halos dalawampung taon din ako nagturo sa UP College of Music.

Wala pang tatlong taon na ako ay nagbitiw bilang isang assistant professor; akala ko'y doon na ang katapusan ng aking koneksyon sa UP. Hindi pala, dahil ngayon ang aking panganay ay kasalukuyang isang university scholar sa College of Music.

Mababaw at maikling kasaysayan lamang ito. Gayon pa man, kasaysayan pa rin. Para sa akin, napakahalaga ng aking nakalipas at ito ay lagi kong babalik-balikan. Habang ako ay papalayo ng papalayo sa aking pinanggalingan, palalim nang palalim ang mga ugat na aking tinatanim, sinisiguro ko lamang na hindi ako maitutumba ng kahit ano mang malakas na bagyo o delubyo na sa buhay ko ay sasapit.

Ngayon, nakita n'yo kung bakit napaka-halaga ng UP sa aking buhay, sana ay maging sa inyo rin. Kahit hindi nyo na nasisilayan ang oblation, at hindi na naririnig ang karilyon, nawa'y nasa puso at isipan lagi ang paaralang kumupkop at nagpalawak ng isip ng bawat isa sa inyo. Naituro na lahat ng maituturo sa inyo ng inyong mga guro. Alam naman natin na ang bawa't isa sa atin ay may natatanging angking galing. Walang halaga ito kung hindi ninyo gagamitin para sa ikabubuti at ikauunlad ng inyong komunidad, ng inyong pamilya at ng buong sambayanan. Itanghal ninyo ang inyong pagiging Pilipino na nag-aral sa U.P. kahit saan kayo mapadpad.

Meron lang akong dagdag na pabaon sa inyo para lalong di nyo malimutan, ang UP nating mahal. Ito ang pitong mga bagay-bagay tungkol sa buhay na natutunan ko sa U.P.:

1. Ang buhay ay parang IKOT jeep. Ang iyong patutunguhan ay siya ring iyong pinanggalingan.
2. U.P. lang ang may TOKI, sa buhay wala nito. Pero nasasaiyo na yon kung nais mong pabaligtad ang takbo ng buhay mo.
3. Sa IKOT, puede kang magkamali ng baba kahit ilang beses, sasakay ka lang uli. Sa buhay, kapag paikot-ikot ka na at laging mali pa rin ang iyong baba, naku, may sayad ka.
4. Sa U.P., lahat tayo magaling. Aminin nating lahat na tayo'y magagaling. Ang problema dun, lahat tayo magaling!
5. Kung sa U.P. ay sipsip ka na, siguradong paglabas mo, sipsip ka pa rin.
6. Sa U.P., tulad sa buhay, ang babae at ang lalake, at lahat ng nasa gitna, ay patas, walang pinagkaiba sa dunong, sa talino, sa pagmamalasakit, sa kalawakan ng isipan, sa pag-iibigan; at kahit na rin sa kabaliwan, sa kalokohan at sa katarantaduhan.

At ang panghuli:
7. Sa U.P. tulad sa buhay, bawal ang overstaying.

Maraming salamat po!

Mayroon pa akong isang huling pabaon, galing sa puso ko - para rin sa mga puso ninyo, ito ang napili kong paraan upang maisalarawan ang tema ngayong hapon: "Angking Galing Para sa Sambayanan". Ito ay isang awiting nilikha ko at ng aking kakaklase sa high school na nagtapos din ng kolehiyo sa U.P., aking musika sa titik ni Ome Candazo, sa tulong ng mga kaibigan ko sa San Miguel Master Chorale at San Miguel Philharmonic Orchestra na pawang mga alumni ng U.P. 'Hala*ginawang concert ang speech!'

No comments: