ni tembarom
{taken from peyups}
Kahit disappointed ang marami sa atin dahil walang taga-UP sa Pinoy Big Brother Teen edition, nakapagpapaalala naman ito ng karanasan at panahon ko sa Peyups nating mahal.
Napanood ko ang pagpakilala sa teen housemates, at naalala ko ang pagpasok ko sa UP. Big deal 'yun sa akin at sa mga kamag-anak ko sa Marinduque--kung paanong malaking bagay rin sa mga pamilya ng mga bata ang pagiging teen housemates nila. Sa libu-libo ba namang nag-audition, sila ang napili. Para silang nakapasa sa UPCAT!
Nang pumasok na sila sa loob ng bahay ni Kuya, nag-replay naman ang aking pagdating sa Kalayaan Residence Hall. Bagong paligid, malayo sa pamilya, may mga bagong kasama.
Siyempre, sa dorm ay may mga sikat. Mga heartthrob ng bayan: magaganda't guwapings, sikat at kinaiinggitan, at meron ding mga feeling lang. Parang sa PBB house, may Kim Chiu at Gerald Anderson, at may Nina Atienza at Joaquin Mendoza. Sa Kalayaan, noo'y mayroon ding mga nagtatawag ng atensiyon-- kumbaga sa PBB house, parang sina Bam Romana at Clare Cabiguin. Mayroon din namang mala-Jamilla Obispo: tahimik lang, pero sa murang edad ay pinanday na ng karanasan, o Brenda Fox, na di mo akalaing may itinatatagong kakaibang talent. Mayroon din namang dahil sa pagka-homesick, umuwi na lang sa kanila.
Sa mga unang araw ng teen housemates sa PBB house, naalala ko naman ang mga unang araw ko sa UP: sobrang takot sa tao, ayaw makihalubilo, insecure, praning. Sa mga klase sa AS, doon ako umuupo sa malapit sa bintana, at mga apat na upuan yata ang pagitan ko sa katabing kaklase. Parang Aldred Gatchalian, di ba? Yun nga lang, 'di gaya niyang nag-voluntary eviction, nanatili ako sa UP. Saka sa halip na dimples, pimples ang nasa mukha ko noon.
Iniwasan ko ang CAT noong high school dahil lampayatot at mahina ang katawan ko. Pero pagdating sa kolehiyo, wala na akong lusot sa bulyaw ng mga ROTC officers na mala-Fred Payawan ang porma. Pero buti nalang, laging masaya ang platoon namin dahil maraming komedyante at masang-masang tulad ni Matthew Evans ng bahay ni Kuya.
Makalipas ang isang semestre sa UP, nakakilala ako ng mga aktibistang palaban, para bang tipong Mikki Arceo ang dating, pero sa huli'y nalaman kong may mga coño rin pala: sa asta lang pala tunay, militante at makabayan.
Sa UP, marami kang mapagpipiliang orgs. Sumali ako sa UP Journalism Club. Doon, may orgmate kami na naaalala ko ngayon kapag napapanood ko si Olyn Membian.
Sa palagay ko, ang PBB ay nakapagpapaalala sa akin ng UP dahil gaya ng napaka-diverse na pamayanan ng pamantasang hirang, ang bahay ni Kuya ay kumukupkop sa iba't ibang karakter. Gaya nga ng isinulat sa Tinig.com ni Madel Montejo, dating punong patnugot ng Tinig ng Plaridel ng MassComm: "... ang PBB housemates ay kumakatawan sa bawat isa sa atin. Microcosm of Philippine society, ika nga. There is always a Cass, Uma, JB, Say, Chix, Rico, Jason, Jen, Nene, Bob, Raquel and Franzen in all of us, in our community. Sila ang sumasalamin sa bawat isa sa atin. Iba't iba ang ugali, iba't iba ang dynamics ng social interaction."
Samantala, sa mga naiinis pa rin dahil walang taga-UP sa teen housemates, 'yaan n'yo na. Mga bata pa naman ang mga iyan. Tingin n'yo ba, ang valedictorian na si Aldred, mag-a-AMA na lang nang di muna sinusubukan ang UPCAT? Saka malay natin, ang Atenistang Mr. Academics na si Mikee Lee, gayahin si Bikoy--na piniling maging "a man for others" sa pamamagitan ng pagiging iskolar ng bayan!
No comments:
Post a Comment