Ni Trina Viajero
Trip, Philippine Collegian 1999-2000 Literary Folio
Sa kanto ng Marcos at Imelda
Highway madalas mag-umpukan
Ang kung ilang mga anak
Ng mga anak ng Martial Law:
Mga anim hanggang sampung taong
Gulang na mga ulila’t ulilaing paslit –
Ang mga mukha nila’y uhog na hinulma
Ang mga kamay ay sapot ng gagamba
Ang mga tuhod ay mga nanang
Nagbabanggaan sa umaga;
Ang mga puso, huwag nang banggitin pa,
Ay wala sa kanilang mga dibdib
Kundi naroroon sa pulang ilaw ng traffic
(Sa pagitan ng kubo ng Tropical
at dambana ng Santa Lucia).
Pulang ilaw na sa kanila ay hindi
Hudyat ng dagling pagpara kundi
Ng karera sa pagsampa sa jeepney
At sa pagmartsa sa pasilyo nito
Gaya ng sakristan sa kumbento
Upang mapunasan ang mga sapatos
Ng kung sinu-sinong pasahero,
Kung sinu-sinong nananampalatayang
Ang isip ay tila nauna na sa Katipunan
O naroon pa’t gumagapang
Sa Rizal-Binangonan.
Ang totoo’y di nila kayang
Pakintabin ang mga sapatos;
Ang trapo nila’y marumi pa sa swelas
Ng mga boots ng tropang pangharabas.
Ang totoo’y binubulungan,
Hinihilingan, dinadasalan lamang nila
Ang tainga ng naghilerang mga paa:
“Mama, ale, kayo may sapatos,
Ako walang tsinelas; may paltos
Ang sineguelas kong hinlalaki
Pengeng piso, babae, lalakli
Pengeng piso, pengeng piso, penge
Penge kahit ano, penge, penge…”
Ang ilan ay maaawa’t magbibigay,
At sa pag-arangkada ng dyip kasabay
Ng paghirit ng pulis sa kanyang silbhato,
Ang mga paslit ay tatalon palabas
Na parang naglalandiang mga aso,
Maririnig ang salpukan
Ng talampakan sa aspalto,
Mabubuo ang tula sa utak
Ng isang viajero:
“Paalam mga anak ng mga anak ng Martial Law
Pasensiya na’t hindi makapaglimos sa inyo
Eksakto lang ang pamasahe ko’t perang pangpa-mimeo
Baka nga kulangin pa’t pang-xerox ng Libe at Rebo
Di ako pilantropo kundi ‘sang rebolusyunaryo
Ihahanda, ipagpapatayan ang bago n’yong mundo
Sa kanayunan lalo na at maging dito sa kanto
Ng Marcos at Imelda, o ng Ramos at Aquino
O ng Estrada at kung sino pang anak ng demonyo.”
Proud about my Filipino heritage and my Pinoy roots, this blog would contain information about things in the colorful culture of this land. Not only would it dwell on the newest things happening, there would also be some entries on a couple of tidbits that maybe would be considered as "Onli In Da Pilipins." Mabuhay, Pinoy!
Friday, May 26, 2006
Papunta Sa Cubao Para Magpa-Mimeo, Para Magpa-Xerox Ng Libe At Rebo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment