Wednesday, July 05, 2006

Hinggil Sa Pagdakip Kina Karen Empeno At Sherlyn Cadapan

Sherlyn Cadapan   @   Proud To Be Pinoy - Everything Pinoy in this blog.
Pambansang Komiteng Tagapagpaganap, League of Filipino Students (July 3, 2006)

Noong Hunyo 26, bandang alas-2 ng madaling araw, sapilitang pinasok ng mga armadong elemento na pinaghihinalaang kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tinutuluyang bahay nina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan sa Hagonoy, Bulacan at dinampot sila kasama ang isang lalaking si Manuel Merino na taga-Bulakan.

Sina Karen at Sher ay parehong mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) – Diliman na nagsasagawa ng kanilang pagsasaliksik sa mga magsasaka sa Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL). Si Karen ay isang mag-aaral ng BA Sociology sa College of Social Sciences and Philosophy at si Sher, isang 'award-winning' triathlete, ay dating College Representative ng College of Human Kinetics. Pareho silang naiulat na kasapi ng LFS.

Iginapos umano ang mga tao sa kanilang bahay na tinuluyan, at kinaladkad si Karen, She at Manuel sa isang pamapasaherong jip at ibinyahe patungong HQ ng militar sa Iba, Zambales. Si Karen umano ay tinanggalan pa ng pang-itaas na siyang pinantakip sa kanyang mga mata at si Sher naman ay binigwasan. Ayon sa kanyang ina, kasalukuyang buntis si Sher.

Sa kabila ng malinaw na testimonya at mga ebidensiya na nagtuturong militar ang dumampot kina Karen at She, buong karuwagang itinatanggi nina Palparan at ng militar sa Central Luzon na nasa kanila ang dalawa, kasabay naman ng pagsasabi na kumpirmadong umanong mga NPA ang mga dinukot at masaya umano ang mga tao na wala na sila. Sa kabilang banda naman, labis ang pangamba at pagdadalamhati ng mga kaibigan at pamilya ng dalawa.

Sina Karen at Sher ay mga kabataang biktima ng all-out war at Oplan Bantay Laya ng rehimen. Ilan lamang sila sa napakarami ng mga biniktima ng mga pamamaslang at ng pagdukot nitong mga nakaraang mga buwan. At ngayon, tila rumururok sang karuwagan ng AFP at ni Arroyo pagkat mula sa pagpaslang, tumataas ngayon ang bilang ng mga dinadampot at mga "forced disappearances."

Ang todong giyera ng rehimen ay nakikita na ngayon bilang todong kawalanghiyaan ng rehimen sa kabataan. Matapos tayong agawan ng badyet para sa ating edukasyon at suhayan ang pagtataas ng halaga ng ating edukasyon, ngayo'y tayo ang binibiktima sa kampanya ng rehimen para makapanatili sa kapangyarihan.

Tinatawagan ang lahat na magsagawa ng todo-largang kampanya para ipanawagan ang pagpapalaya kina Karen at Sher at labanan ang buhong na giyera na ipinapakana ng rehimen. Lahat ay inaaasahang gawin ang iba't ibang pamamaraan para ipalaganap sa masang mag-aaral at sambayanan ang sinapit ng dalawa, at magkaroon ng iba't ibang paraan para ipanawagan ang kagyat nilang paglaya.

Gawin natin ang iba't ibang pamamaraan para mairehistro ang ating protesta: signature campaign, candle lighting/noise barrage, mga assembly, martsa rali at iba pa. Maglabas din ng maraming mga poster at teaser na nananawagan sa paglaya ng dalawa.

Sa darating na July 7, itinakdang pambansang araw ng protesta, bibitbitin nating mayor na panawagan ang pagpapalaya kay Karen at Sher at pagtigil sa todong giyera ng rehimen.

No comments: