Thursday, February 01, 2007

Kay M


Lorenz Cruz
Philippine Collegian


Kagabi, binagabag talaga ako ng mga sinabi mo sa text. “Gusto ko nang sumampa.” Tila isang biro para sa akin, pero hindi ako makatawa. “Hindi ako nagbibiro,” reply mo. Ayaw kong maniwala. Ayaw kong mawala ka at yakapin ng kabundukan. Sabi mo kasi, buti pa ang mga bulkan, pumuputok na. Bakit ang rebô hindi pa? Natatakot ako. Hindi ko alam – kung para sa iyo o sa sarili ko?

Sabi mo noon, hindi pa tayo nagkikita, nahihiya ka pa nga. Pebrero 2005 taon nang makita ko ang invite mo sa Friendster. Isa sa sari-sari mong alias ang nakalagay.

Inapprove ko, baka sakaling nagkakilala tayo sa forums dito sa UP o maging sa mga rali. Agosto 2005 nang mag-lecture ako ng creative non-fiction sa inyong kampus sa Ermita
sa paanyaya ng inyong org. Ipinagtanong ko sa kanila kung sino ka at nakahingi ng iyong contact number. At dito na nagsimula ang mga tulungan natin para sa iyong orgs at mga pinagkakaabalahan: concerts for a cause, ilang tulong sa iyong assignments, pagdalo sa forums na pang-Third World, at iba pa. Hindi rin nawawala ang ilan nating adventures sa Baywalk, Quiapo, at maski dito sa Diliman.

Sa bawat pagtipa sa cellphone, alam kong may pagkakaugnay tayo. Inaabot tayo ng madaling-araw sa pag-uusap tungkol sa kahit na ano – Beatles, Eraserheads, Bob Marley, pirated DVDs, at pati ang kani-kaniyang problema. Magkatulad nga tayo sa maraming bagay – pareho pa tayo ng kaarawan.

Ngunit higit nating pinagkakasunduan ang pulitikang pareho nating pinapanday. Hanga
ako sa iyo dahil tama ka ngang dapat maging mapangahas ngayon. Sabi nga, lagi’t laging
marahas ang panahon.

Noong nasa B_______ ka nitong summer para sa iyong practicum, natuwa ako’t mararanasan mo na rin ang mga kuwentong alam natin tungkol sa mga magbubukid na naroroon. Araw-araw kong inaabangan ang mga kuwento mo tungkol sa mga ginagawa
niyo. May masasaya at malulungkot. Naipangako kong bumisita pero hindi ko nagawa.

Gustong-gusto ko pero hindi pinahintulutan ng marahas na panahon.

Maraming salamat dahil muli akong nakasulat ng tula matapos ang isang taon. Hiniling mo ito sa akin habang nasa practicum ka ilang araw bago bumalik dito sa Maynila.

Naramdaman kong muli kung kanino dapat ialay ang haraya at talinghaga.

Nakasalamuha ko sila nitong unang lingo ng Hunyo, dahil na rin sa iyong paanyaya.

Para akong estranghero nang makausap kosila. Muli kong narinig ang mga salitang hindi
ko na narinig nang ilang taon. Ngunit kaiba ito. May damdamin at bigat ang kanilang mga salita. Sila mismong nakararanas ng kaalipnan at kalupitan. Silang nagbubungkal
ngunit kapos sa biyaya.

Malaki na ang pinagbago mo. “Ako pa rin ito. Umunlad lang,” sabi mo. Alam kong alam
mo na ang ibig kong sabihin sa pahayag kong mag-isip kang mabuti.

Ngunit hindi kita mapipigilan. Dahil batid natin ang pangangailangan. Ng nakararami.

No comments: