Thursday, February 01, 2007

Dati

Ryan Phillip Domingo
Philippine Collegian


Mas mura ang tuition at mas malapit sa bahay… bukod sa astig kasi ang Eraserheads: mga ganitong dahilan kung bakit pinili kong mag-aral sa UP. Pero syempre, kahit maipasa ko pang lahat ng college entrance exams ng Katipunan at U-belt schools, mas pipilin ko pa rin ang Peyups. Bah! Magugulat mga highschool batchmates ko, lalo na yung mga taga-pilot section namin. Dahil bilang bulakbol at tamad, nasa UP ako! Hehe..

Kaso t’wing nagkikita-kita uli kami…

HS Batchmate:O anong balita sa‘yo? Saan ka na nagka-college?

Ako: Wala, out of school youth na ‘ko. hehe…

Minsan kapag di naniwala…

Ako: Hinde…ano… diyan lang sa tabi-tabi. hehe..

Weird. Ewan ko noon kung bakit. Marahil kahit ako hindi rin makapaniwalang taga-UP
na ‘ko. Hindi pa rin ako makapaniwala. Hanggang noong freshman orientation namin noon, kasama kong kumakanta ng “UP Naming Mahal” ang libo-libong bagong iskolar galing ng iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas. Pero bago muna iyon, bumuhos ang mga aktibista upang i-welcome kami sa pamamagitan ng matapang na speech at chant: EDUKASYON! EDUKASYON! KARAPATAN NG MAMAMAYAN!!!

Na-shock ‘ata ako nun. Pansamantala natahimik ang lahat habang nagra-rally sila sa harap namin. Oo nga pala, nasa UP na nga ako: sanktuwaryo ng malaya’t mapanuring kaisipan. Kaya’t maraming mga lider, artista, at iba pang personalidad ang naging produkto ng pamantasan.

Minsan me atempt pa kong magbasa ng dyaryo at news sa TV noon, para kahit paano magka-say sa issue. Iskolar pa mandin kami. Kaso hindi naman yata ganun ang trip na pag-usapan ng mga new classmates. “Taga-UP ka? E di aktibista ka rin?” - automatic ito minsan ng ibang tao di ba? Papayuhan ka pang huwag nang magsasama dun sa mga “magugulo”.

Sabagay, wala naman akong balak maging tibak. Maging pulitikal, o kahit anong me kinalaman sa aktibismo. Hangga’t maaari maka-iwas. Mainit at nakakapagod kayang mag-rally. Tsaka magsisi-sigaw? Nung orientation, me napagtawanan pa kaming isang rallyista, baligtad ba naman yung placard niya. hehe.

After five years…

Ka-Batch: Uy! Kamusta ka na? Nakita kita sa TV, sa rally. Muntik ka ng mahataw ng pulis dun a! Tibak ka na pala ngayon?

Ako: Hehe... Um… Medyo-medyo. (sabay kamot ng ulo.)

Umiiwas talaga ako sa mga kilos-protesta dati.

Dahil minsang nagduda sa pagiging epektibo nito upang ilaban ang mga karapatan at hinaing.

Nawalan lang lalo ng pag-asa sa mga suliranin ng bansa. Kase kesyo ugaling pinoy ang “pinagtatawanan lang” ang problema. Kesyo marami lang sa atin ang tamad, kaya marami rin ang mahihirap. Kesyo likas na sa tao ang mangurakot kapag nasa pamunuan na. Dahil kesyo andiyan na ang sistemang bulok na imposibleng baguhin. At kesyo may tinatawag na “kapalaran” at ipagpasadiyos na lamang ang kinakaharap nating krisis… tapos, tumawa na lang tayo ulit. Wala na nga bang pag-asa?

Pare-pareho lang naman ang sinasabi sa atin tuwing freshmen orientation: tayo ay iskolar ng bayan, at mula sa buwis ng mamamayang Pilipino, at dapat nating pagsilbihan ang bayan pagkagraduate.

At tayo’y may kanya-kanyang talento’t paraan kung paano ito gagawin. Pero dadaan
tayo sa pagtatalo-talo kung ano ang “kanser” ng Pilipinas at lipunang Pilipino, at sa kung ano ang “gamot”. Ngunit sa proseso lalabas at lalabas din ang pinakamatalas na linya- ang tunay na magsisilbi sa nakakarami. Noon panahon ko : krisis sa ilalim ng rehimeng Erap. Paano ngayon haharapin ang krisis naman kay Gloria?

Sa ngayon, Excited tayo sa mga maaring mangyari sa atin sa UP. At muli, hindi ako makapaniwala.

Nung freshmen orientation 2006… isa na ako sa mga tibak na nag-lightning rally. At
gaya ng inaasahan, na-shock din ang mga freshie sa amin.

EDUKASYON! EDUKASYON! KARAPATAN NG MAMAMAYAN!!!

No comments: