[Sa lipunan ng mga matuwid at makatarungan, tiyak na walang puwang o dahilan para danasin ng sino mang naggigiit ng katwiran at katarungan ang brutal na pamamaslang. Kaya't kung dinanas ito ni kasamang Ambo at ng marami pang iba na naghahanap ng katotohanan at katarungan sa bayang batbat ng pagsasamantala, korupsyon, kasinungalingan at mga kahirapan, tiyak din na ang lipunang kanilang ginalawan ay pinaghaharian ng mga taong walang alam sa matuwid na katwiran kundi man absolutong hindi kumikilala ng katwiran at katarungan…]
Sa simula’y nakikilala natin ang isang tao sa kanyang palayaw, butas sa tenga at angas at kwela. At kung babalikan natin ang nasabing simula, iisipin nating nakilala nga ba natin siya?
Kagaya ng iba, nabansagan siya bilang iskolar ng bayan nang pumasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas, Los BaƱos taong 2002. Sa taon ding iyo siya naimbitahan upang maging kasapi ng League of Filipino Students. Simula noon, nasabak siya sa mga gawain hindi lamang sa nasabing organisasyon sa loob ng paaralan, maging sa mga gawain sa ibat iba pang sektor ng lipunan.
Naging kaibigan natin siya...
Isang kaibigang taglay ang natural na kakulitan, baon ang kahusayan sa pagpapatawa. Ika nga, isa siyang complete entertainment showcase, kung humirit at kung bumanat. Marahil, marami ang nakakilala sa kanya na hanggang patawa lang. Subalit ang ganitong mga katangian niya ang nagbigay-daan din upang madali siyang matanggap at mahalin ng masa.
Naging kasama natin siya…
Hindi man kagyat na inakalang magiging isang mulat na yayakap sa aktibismo, nakitaan kaagad siya ng potesyal at kasigasigan sa paggampan ng mga gawain sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagmomobolisa ng mga kabataan-estudyante sa UPLB. Naging katuwang natin siya sa mga gabing puyatan sa workshops, educational discussions at pagpupulong. Naging kasama natin siya sa mga kampanyang tumutol sa mapagsamantalang sistema ng edukasyon. At kinalaunan, tinanggap na rin niya ang hamon na paglingkuran ang iba pang malalawak na sektor ng lipunan. Ang pakikibaka niya’y umabot na sa mga lansangan at pabrika, kasama ng mga manggagawa at magsasaka at ng iba pang pinagsasamantalang uri ng mapang-aping sistema.
Sa simula’y kinagiliwan natin siya dahil sa kanyang mga patawa at dimples sa pisngi. Ngayon, kinikilala natin siya sapagkat ipinakita niya, sa likod ng kanyang mga ngiti at kwela, ang kanyang makabuluhang paggampan at seryosong pagharap sa mga tungkulin at hamon bilang isang tunay na lider-estudyante at aktibista. Hindi matatawaran ang naging kontribusyon niya sa kasaysayan ng aktibismo, at malaking bahagi nito ay ang paglubog niya sa hanay ng mga kabataan-estudyante at sa iba pang uri ng lipunan.
Kung kaya, sa lahat ng ito, iginagawad natin sa kanya, kay kasamang Rei Mon Guran, si Ambo na ating kaibigan, ang isang taas-kamaong pagkilala sa kanyang maningning na kontribusyon sa kasaysayan ng pakikibaka ng masang anak-pawis, kabilang na ang iba pa nating mga kasamang pinaslang at dinadahas ng mapanupil at kriminal na papet na rehimeng Arroyo.
Si kasamang Ambo ay hindi lamang magiging numero sa humahabang listahan ng mga sistematikong pagpatay sa ating mga kasama; sapagkat katulad ng iba pang martir ng kilusang pambansa-demokratiko, siya ay magsisilbing lakas natin sa pagpapaigting ng ating pakikibaka laban sa mga uring-mapagsamantala, tungo sa minimithing pambansang demokrasya!
Ang laban ni kasamang Ambo ay laban natin, at ang ating mga lehitimong laban ay hindi kailanman mayayanig at masusupil ng bala at gatilyo.
Kailan man ay hindi umatras ang mamamayang lumalaban gaano man kaigting ang pasismo ng estado. Sapagkat alam ng ng mga mamamayan na sa likod ng pasismo ay ang nabubulok at pabagsak nang rehimen.
Labanan at tapatan ang giyera ni GMA! Patalsikin ang kriminal na rehimeng Arroyo!
--UPLB LFS Alumnae, Alumni and Friends
No comments:
Post a Comment